Ulat ni Carvelo L. Malubag, www.balikas.net

Inaprubahan na ng pamahalaang lungsod ng Lipa ang kahilingan ng mga traysikel drayber na itaas ang minimum fare sa lungsod sa halagang dalawang piso.

Ang pagtataas ng pasahe ay inaprubahan ng Lipa City Tricycle and Regulatory Board Federation (LCTFRB) at pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Lipa City Mayor Oscar Gozos, alinsunod sa General Ordinance No. VI (Series of 2008).

Batay sa bagong fare matrix, ang biyahe mula sa Poblacion 1 hanggang Poblacion 11 ng lungsod ay magkakahalaga ng siyam na piso mula sa pitong piso na dating halaga. May karagdagan din itong piso sa bawat kasunod na kilometrong layo.

Para naman sa mga traysikel na ang biyahe ay palabas ng Poblacion, makikita rin ang pagtaas ng pamasahe.

Sa datos ng LCTFRB, umaabot sa 4,000 ang rehistradong traysikel sa Lungsod ng Lipa.

“Pwede na silang magtaas,” wika ni Edgardo Latina ng LCTFRB sa Balikas.

Pero nilinaw ni Latina na maaantala ang pamamahagi ng fare matrix sapagkat ipapalimbag pa ito.

Aniya, matapos ang buwan ng Setyembre ay makukumpleto na ang pamamahagi ng fare matrix.

Ang dagdag na pasahe ay hiniling ng mga kasapi ng Federation of Lipa & Trycicle Operators & Drivers Association (FELITODA), ang pinakamalaking asosasyon ng mga operator at drayber ng traysikel sa lungsod.

Samantala nakasaad din sa nasabing ordinansa na may diskwentong dalawang piso o pitong piso pa rin ang bayad ng mga senior citizen, may kapansanan at mga mag-aaral na nakasuot ng uniporme.

Ayon sa mga kinatawan ng FELITODA, 2004 pa sila huling nagtaas ng halaga ng pasahe.

“Pwede na silang magtaas kaya nga lang baka magkagulo kasi di pa sila nabibigyan ng taripa,” wika ni Santos Serrano kalihim ng FELITODA.

Nalaman ng Balikas na karagdagang tatlo hanggang apat na piso ang orihinal na hiling ng mga miyembro ng FELITODA.

Samantala, ang mga drayber na napatunayang lumabag sa sinasaad ng bagong taripa ay magmumulta ng limangdaang piso at maaring kanselahin ang prangkisa sa ikatlong opensa. Para sa mga reklamo, maaaring tawagan ang mga numerong 784-7675/312-2502 ng Lipa-PNP at 784-2533 ng Lipa –TMD.

0 comments


Batangas Dictionary